Sponsored Links
Advertisement

Convicted ex-mayor Sanchez, ‘di hihingi ng tawad sa pamilya nina Sarmenta, Gomez

Hindi raw hihingi ng tawad si dating Calauan mayor Antonio Sanchez sa pamilya ng mga napaslang na estudyanteng sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong taong 1993.

“Anong iso-sorry ko sa kanila? Diyos ko, maski ako’y makulong sa sinasabi nilang 40 ay sige na. Wala akong iso-sorry sa kanila, i-research nila ‘yong from ’93 to ’95, kung sino ‘yang mga ‘yan,” wika niya sa isang interbyu sa GMA News.

Binigyang-diin din niya, “Kaya naman ako naging fall guy ay sa aking bayan nila tinapon, e.”

Nitong nakaraan lamang ay inanunsyo na hindi pinahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalaya kay Sanchez. Ayon pa kay Senador Bong Go, ang balitang pagpapalaya kay Sanchez ay ikinagalit ng pangulo.

“He should stop dreaming that he will ever get out of prison. You should pay for your sins there. Your life will be shorter if ever you get out of prison,” wika ng senador.

Kalagitnaan ngayong Agosto ay nabalitang posibleng makalaya si Sanchez–ang gumahasa at pumatay sa estudyanteng si Eileen Sarmenta at pumaslang sa isa pang mag-aaral na si Allan Gomez–dahil sa batas na pumapayag na palayain ang mga convicted prisoner dahil sa pagkakaroon nila ng “good behavior” habang nasa selda.

Tinutulan ito ng marami; hindi lamang ng mga kaanak ng dalawa, kung hindi pati ng mga ordinaryong mamamayan na naniniwalang hindi dapat saklawin ng batas na ito ang isang tao na napatunayang gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Add Comment